Thursday, February 28, 2013

Ang Buwan ng Pebrero

Maging derecho tayo. Mas dadalasan ko na 'yung pagsusulat dito sa wikang Filipino. Minsan, hahaluan ko ng konting English (ayan, example), para mas maging tunog natural 'yung mga sinusulat ko dito; hindi 'yung pilit kong ini-English lahat ng gusto kong sabihin. May mga oras kasi na antagal kong nag-iisip ng salita na swak sa gusto kong isulat. Kaya ayun. Sa tingin ko, mas magiging komportable ako, at marahil (nag-isip pa ako ng salita bago ko na-type 'yung "marahil") pati ang mga nagbabasa dito, kahit alam kong bilang lang halos ng mga daliri ko ang mga talagang nagbabasa dito.

Punta na tayo sa gusto kong pag-usapan. Ang buwan ng Pebrero. February. Month of Love, 'ika nga ng iba. Tuwing February ka lang makakaramdam ng lindol na Intensity -- ahem -- "six" sa mga specific na lugar sa Maynila. Kung anu-ano 'yung mga lugar na 'yon, bahala na kayo mag-isip, at baka malagot pa tayo rito.

Anyway, balik sa topic. Nung mga nakaraang February ko, napapansin ko na lang na sobrang iritable ko. Minsan, konting kalabit lang sa ego ko, grabe na ako kung maka-react. Sa katotohanan nga, sa opisina, meron akong hindi kinakausap dahil nayugyog n'ya 'yung pride ko. Nasigawan ko s'ya sa opisina, to the point na napahiya s'ya sa mga nakarinig ng mga pinagsasasabi ko. Gusto ko mang humingi ng tawad, nahihirapan ako dahil sa lakas ng ego ko.

Iniisip ko na lang din: Dahil ba single ako kaya ako ganito? Dapat ko bang sisihin 'yung katotohanan na wala akong relasyon sa ngayon?

Paulit-ulit kong sinasabi sa mga kakilala ko na wala akong relationship sa ngayon. Oo, malungkot, pero in a way, medyo masaya rin. Sa 'yong sa 'yo lang 'yung sweldo mo; wala kang obligasyong ipamahagi sa iba 'yun. Mabibili ko 'yung mga luho ko -- games, gadgets, CDs, at kung ano pa. Alam n'yo 'yon? Masaya, pero malungkot. Malungkot, pero masaya. 'Yun na siguro 'yung masasabi ko sa pagiging single.

Bakit nga ba malungkot? Kung sinagot ko 'yon, malamang kokontrahin ko 'yung mga kakasabi ko pa lang. Alam n'yo kasi, minsan, kapag wala kang kabahagi sa mga nakukuha mo sa sweldo, malungkot din. Boring. Kaya may mga times na nanlilibre na lang ako ng pagkain. Sa mga kakilala ko, pagbigyan n'yo na ako kapag ginawa ko 'yon, okay? Pasensya na kung napaka-demanding nitong request ko, pero ganun talaga ako. Sana matanggap n'yo.

Meron pa akong isang bagay na napansin ngayong buwan na 'to. Bakit parang ang February 14, Valentine's Day, ang araw na napakaraming nagde-date? Hindi ba kayo pwedeng mag-date ng ibang araw? Oo, sweet nga. Pero kung iisipin n'yo 'yung experience? Never mind. Kung ako mag-aayos ng date, dun sa araw na sa tingin ko komportable 'yung makakasama ko. Wish ko lang nga na meron.

Hindi pa d'yan nagtatapos ang lahat. Habang tumatagal, nare-realize ko na 'yung mga pinagsasasabi ng mga nakatatanda sa 'min nung mga bata pa kami: Hindi naman kami ganyan nung panahon namin. Maraming salamat sa aming mga grandparents sa paulit-ulit na sermon na kasama n'yang napakasikat na quote na 'yan. Minsan kasi, gusto mong isampal 'yang mga salitang 'yan sa ibang mga kabataan ngayon na kung makahanap ng mga karelasyon, akala mo, asawa na 'yung hinahanap. Kids, mahaba pa ang buhay. Kahit isa lang 'yan, mas mabilis pa rin kaming makakarating ng retirement age kesa sa inyo. 'Wag maging apurado, okay? Hindi nga a la Juan Tamad ang pag-ibig na hihintayin mo lang. Oo, kikilos ka, pero hindi 'yung mamadaliin mo. Take it slow.

Teka, ha. Sa mga nakakakilala sa 'kin, baka sabihin n'yo na ang kapal ng mukha ko para sabihin 'yan. Well, oo. Nagmadali rin ako nung kabataan ako, at pinagsisisihan kong ginawa ko 'yon. Bakit? Nagkandaleche-leche 'yung grupo namin noon dahil sa ginawa ko. Isang malaking pagkakamali sa buhay na hindi ko makakalimutan 'yung stage na 'yun, dahil nalaman ko kung sino 'yung tunay kong mga kaibigan. Thanks, friends! Manatili kayong awesome for life!

Wooo! Medyo naging emotional 'to, pumunta naman tayo sa mga masayang natutunan ko ngayong buwan. February 24, antok na antok man ako, masaya pa rin ang naging experience ko kasama ng mga tumayong Ate ko nung bata ako. Pumunta kami sa Hot Air Balloon Fiesta sa Clark, Pampanga. Akala ko, sobrang extreme na namin kasi alas dos pa lang ng madaling araw, pumunta na kami don. Malaman-laman na lang namin na sobrang dami na ng tao don pagdating namin ng mga alas kwatro. Masaya, kasi minsan ko lang sila makasama, plus ang ganda pa ng mga balloons na pinalipad.

Lessons nung araw na 'yun: Bring a jacket; bring a banig, o kahit anung bagay na pwedeng upuan; maghanda ng magandang itinerary bago lumuwas. Pero, ha. Kahit bara-bara lang kami dun, masaya pa rin 'yung naging experience! Oo, inaamin ko. First time kong makasakay ng provincial bus nung araw na 'yun.

So, ayun. Ang mga naging experience ko ngayong buwan ng Pebrero. Masaya ako kasi nakapagsulat ako ulit dito. Pasensya na kung wala masyadong litrato ngayon, or kung anumang linking efforts. Ang punto ko lang naman dito, masulat lang lahat ng gusto kong isulat.

tl;dr: February; TNL. Malabong kausap.

4 comments:

  1. Parang blog ni jake yung binabasa ko -_-

    ReplyDelete
    Replies
    1. HAHAHAHAHA Pasensya naman! Nakakaasar din kasi kung mag-iisip ako kung ano isusulat, tapos isasalin ko pa sa English. Dahil don, lagpas isang buwan akong hindi nakasulat dito. Salamat nga pala sa pagdaan, Toya!

      Shout out kay Jakey Junkie! Daan din kayo sa blog n'ya!

      Delete
    2. "Hindi pa d'yan nagtatapos ang lahat. Habang tumatagal, nare-realize ko na 'yung mga pinagsasasabi ng mga nakatatanda sa 'min nung mga bata pa kami: Hindi naman kami ganyan nung panahon namin." <-- *EHEMSignNgPagtandaEHEM*

      Delete
    3. Hindi ko na rin ide-deny 'yan. LOL

      Delete